MGA PINAGKUKUNAN NG BATAS SA ISLAM (PART 1)
Kabilang sa kainaman ng
relihiyong Islam na wala sa ibang relihiyon ay ang pagkakaroon nito ng ganap at
kongkretong pagkukuhanan ng batas at hukom na hinango mula sa mga batayan na
mapapanaligan.
Lahat ng mga usapin o katanungan
na nangyari nong unang panahon, kasalukuyan at sa hinaharap ay may nakahandang
kasagutan. Kaya, ang Islam ay hindi salat sa batayan at maaari itong isabuhay
sa lahat ng panahon at lugar.
Isang pasasalamat kay Allah dahil
naging madali sa atin ang pagtahak sa landas ng kaalaman, kung saan biniyayaan
ni Allah ang Ummah (kanayunan) ni Propeta Muhammad na pinaka matayog at pinaka
mainam na Ummah sa balat ng lupa at
Gayundin ginabayan din ang Ummah
na ito ng tamang pagsunod sa katuruan (Daleel) at kailanman ang mga taong nasa
matuwid na landas ay hindi nagmamalabis sa pagsunod o pagtingin sa pananaw ng
sinumang pantas (iskolar) o saan mang paaralan bagkus, kung ano ang katotohanan
ang siya paring pinanghahawakan.
ANG PINAGKUKUNAN NG BATAS SA
ISLAM AY NAHAHATI SA DALAWA;
a- Ang napagkaisahan ng mga
Pantas (Iskolar)
b- Ang hindi napagkaisan ng mga Pantas (Iskolar)
Una muna nating tatalakayin ay
ang mga napagkaisahan ng mga Iskolar
ANG NAPAGKAISAHAN NG MGA PANTAS
AY ANG:
1-QUR’AN (Book of Allah) – Banal at
Purong Salita ng Dakilang Tagapaglikha
2-HADITH (Sunnah) - Ang
salawikain ng Propeta o kanyang pamamaraan at ang kanyang sinang-ayunan
3-IJMAH (Consensus) - Napagkaisahan
ng mga pantas
4-QIYAS (Analogy) - o ang tamang
paghahambing
Ang mga batayan na ito ay siyang
pinagkukunan ng aralin mula sa Aqeeda (pananampalataya) at Fiqh
(jurisprudence) at iba pa.
Gayunpaman, ang pinaka
pangunahing batayan (daleel) sa apat na nabanggit ay ang QURAN AT HADITH
na siyang pinaka ganap at kongkreto na malayo sa anumang pagkakamali dahil ito
ay isang rebelasyon na ibinaba mula sa kalangitan.
Sinabi ni Imam Ash-shafie
(kalugdan siya ni Allah):
“Anumang pananaw o pagbigay ng Hukom kailanman ay hindi mapapanaligan sa lahat
ng panahon maliban kung ito ay hinango mula sa QURAN at HADITH.
Ang Ijmah (pinagkaisahan)
at ang Qiyas (tamang paghahambing) ay hinango rin mula sa “dalawa”(Qur’an
at Hadith).
Sinabi ni Imam Ash-shafie:
(kalugdan siya ni Allah):
“Walang sinuman ang may karapatan na magsalita o maghayag ng hukom sa anumang
bagay na sasabihin niyang ito ay Halal o Haram maliban lamang kung ito ay
nagmula sa tamang kaalaman, at ang tamang kaalaman ay mula sa Qur’an o sa
Sunnah (Hadith) o sa Ijmah (napagkaisahan ng mga pantas) o sa Qiyas (tamang
paghahambing)” Ar-risalah 39
Sinabi ni Imam Ibn Taimiyya:
“Kapag binanggit ang Quran, Sunnah at Ijmah, ito ay tumutukoy sa iisa dahil
lahat ng napapaloob sa Quran ay sinang-ayunan ng Propeta at sinang-ayunan ng
mga pantas.
Walang sinumang Muslim maliban lamang na susunod sa turo ng Qur’an.
Anumang turo ng Propeta ay sinang-ayunan ng Qur’an at ipinag-utos nito ang
pagsunod sa kanya (Propeta) at ang mga mananpalataya ay nagkaisa sa pagsunod sa
Propeta.
Ang napagkaisahan ng mga
mananampalataya ay walang pag-aalinlangan na ito ay katotohanan na
sinang-ayunan ng Qur’an at Sunnah” Majmu Fatawah 7/40
ANO ANG MGA KONDISYON NG TAMANG
PAGGAMIT NG QUR’AN, HADITH, IJMAH AT QIYAS?
TAMANG PAGGAMIT NG QUR’AN:
* Nararapat sa sinumang maglatag
ng batayan mula sa Qur’an ay batid ang talatang kanyang ginamit ay tumutukoy sa
nasabing usapin at higit sa lahat ay may malawak na kaaalaman sa Uloomol Qur’an
(Science of Qur’an) upang maiwasan ang pagkakamali sa paggamit ng talata.
TAMANG PAGGAMIT NG HADITH:
a- Dapat ding isaalang-alang ng
nagbibigay ng batayan mula sa Hadith na alam niya ang Hadith na kanyang
ginagamit ay tumutukoy din sa nasabing usapin at higit sa lahat ay may malawak
na kaaalaman sa Uloomol Hadith (Science of Hadith).
b-Ang Hadith na kanyang ginamit
ay Authentic (matibay at tama) at hindi Abrogated (منسوخ ) o ang batas nito ay
nasusugan na at ang kanyang Hadith na ginamit ay hindi mahina o gawa-gawa
lamang (fabricated).
TAMANG PAGGAMIT NG IJMAH:
a-Ang Ijmah na kanyang ginamit ay
napatunayan sa tamang paraan (Authentic)
b-Walang malakas na basehan na
sumasalungat sa kanyang ihahambing na Hukom.
PAALAALA: Ang isang
nag-aaral sa larangan ng Fiqh ay nararapat magkaroon ng malalim na pag-aaral sa
lahat ng pinagkaisahan ng mga pantas.
TAMANG PAGGAMIT NG QIYAS
(PAGHAHAMBING):
a-Ang Nasabing paghahambing ay
hindi sumasalungat sa Qur’an, Hadith at Ijmah.
b-Ang Hukom o ang Batas na
kanyang pinaghambingan ay may matibay na batayan.
c-Ang kanyang ihahambing na hukom
ay magkapareho ng dahilan sa kanyang paghahambingan.
d-Ang kanyang ihahambing na batas
o hukom ay magkapareho ang lahat ng dahilan nito sa kanyang paghahambingan.
PAALAALA: Ang lahat ng
may ugnayan sa pagsamba o Aqeeda ay hindi maaaring isagawa ang paghahambing.
Nabanggit natin sa una ang Fiqh
na siyang pangunahing usapin sa bagay na ito.
ANO ANG IBIG SABIHIN NG FIQH?
Ayon sa mga Iskolar: Ang FIQH
ay “Ang pagkaroon ng kaalaman sa batas o hukom sa Islam na hinango mula detalyadong
pagpapaliwanag ng mga batayan nito”
Hindi magkaroon ng tamang
pang-unawa sa Fiqh kung walang sapat na kaalaman sa (أصول الفقه ) Principles of
Islamic Jurisprudence.
Ano ang depenasyon ng Principles
of Islamic Jurisprudence?
Ayon sa mga eksperto sa larangan
ng batas sa Islam,
ANG OSOOLOL FIQH AY:
“pagsasaliksik ng kaalaman sa lahat ng pangkalahatang batayan mula sa batas ng
Islam (Fiqh), at paano ito pakikinabangan at ano ang maging katayuan ng
makikinabang sa pagpapalabas ng hukom.
Kung ang isang mangangaral ay
salat pa sa kaalaman sa nasabing usapin,hindi malinaw sa kanya ang bawat
usapin, hindi niya ito napag-aralan mula sa mapanaligang iskolar o hindi pa
niya narinig ang ganitong aralin, nakakabuti sa kanya na lumayo muna sa
pagbibigay ng Fatwa o Hukom dahil ang kapinsalaan na kanyang pagpapalabas ng
Fatwa o Hukom ay mas malaki kaisa sa kapakinabangan nito.
Ang susunod na ating pag-usapan
naman ay ang pangalawang bahagi ng ating aralin,
ANG HINDI
NAPAGKAISAN NG MGA ISKOLAR SA LARANGAN NG PINAGKUKUNAN NG BATAS SA ISLAM.
CTTO:
Zulameen Sarento Puti
Sumunod na Basahin ang Ikalawang Bahagi: MGA PINAGKUKUNAN NG BATAS SA ISLAM (PART 2)
READ MORE POSTS-BACK TO:--->>>HOME